Tuesday, March 18, 2008

Ang Anggulo ng Buhay...

Sa Bahay:
Sa paggising mo sa bawat umaga, ngiti sana ang sumalubong sayo. Makakita ka sana ng liwanag sa sinag ng araw at maamoy mo ang amoy ng pagkaing bagong luto. Hindi ba't kasarap pakinggan ng mga huni ng ibong nagkakantahan at ang mga tubig na bumabagsak galing sa banyo? Hindi mo ba na aninag ang anino ng nanay at tatay mo? Nagdasal ka ba? Bago sana magsimula ang lahat nagdasal ka muna. Natanong mo ba ang nanay at tatay mo kung kumain na sila? Kahirap maging matandang isip bata dahil nakakalimutan na natin ang mga nakagawian gawaing hindi na natin nagagawa katulad ng paghalik o pagmamano. Pati nga ang pagbati ng "magandang araw po!" hindi na natin nasasabi, bakit kaya?



Sa Eskwelahan:

Sa pagpasok mo sa eskwelahan ang batid mo ay ang ngiti ng mga kamag-aral mo sa iyo. Ang marinig ang mga boses sa pag-awit ng ating pambansang awit o dili kaya ay ang hiyawan at ingay ng kaguluhan mula sa mga halakhakan ng bawat mag-aaral. Nais mong masulyapan ang kinis at puti ng iyong nililigawan. Ang mga bangkong nakaayos, unti-unting naggugulo sa paunti-unting pagpasok ng mga kaklase mo. Ang kalat sa sahig, huwag kang malilingat pagkat sandali lamang ay basurahan ng matatawag ang silid paaralan. Hindi mo ba naisip kung bakit ka pinag-aaral ng mga magulang mo? O di kaya naman ay nawari kung bakit ka tuwang-tuwa tuwing may kukutyain kang kaklase? Hindi mo ba lubos na nabatid kung bakit sa tuwi-tuwina ay nagbabago ang mga kasama mo sa silid aralan? Bakit ka ba pumapasok kung ang perang sayong pag-aaral laan ay iyong sinasayang? Bakit hindi mo naisip na sayang lang ang lahat at manong sa kapatid mo na lang masipag, matalino at mabait napunta ang atensyon ng magulang mo? Wari, pag-uwi sa bahay ay may bayong ka ng talinong dala kahit ang talinong ito ay galing sa pandaraya at pagnanakaw.


Sa Daan Pauwi:

Sa paglalakad mo pauwi ang gusto mo ay makita ang mga batang musmos na naglalaro kahit nakagapos ang kanilang kamay sa mga pikit-matang sindakato. Ang marinig ang mga bulungan ng tao at mga tsismis na unti-unting sumisira sa reputasyon ng bawat tao. Ang nais mo ay maamoy ang bawat usok ng inihaw na dugo at bituka ng manok kahit pa bahid ito ng dumi. Ang gusto mo ay pumitas ng bulaklak sa parke para ibigay sa iyong kasintahan. Hindi mo ba nawari sa iyong paglalakad ang mga bakas na itim ng yapak ng isang mabaho at maduming taong grasa? Nanghihingi siya ng pagkain at konting limos pero anong ginawa mo para lang hindi niya mahawakan ang kasintahan mo? Sinuntok mo siya gamit ang mga mabibigat mong kamao ang sinipa gamit ang mga paang dapat sanay naglalakad sa tamang landas at daan. Hindi ka pa naawa sa kanya ang ang hawak mong bote ng alak ay hinampas mo ng dalawang beses sa ulo niya hanggang mabasag. Ganyan ba ang itinuro ng mga magulang mo? Hindi mo ba napansin sa kaawa-awang kalagayan ng pulubi ang mata ni Hesus? Nagpapapansin lang siya dahil nakalimot ka na sa kanya ngunit anong ginawa mo, sinaktan at pinagtabuyan mo siya. Ikaw ba ay talagang anak ng Diyos? Iniwan mong duguan at isang malamig na bangkay ang pulubi habang tumatakbo kayo papalayo at nagtatawanan.

No comments: