Sunday, March 16, 2008

Parang Isang Jeepney...


Ang pagkakakilala natin parang isang jeep. Di ba hindi naman tayo sabay sumakay? Kung iisipin mo, tayo ang pasaherong sumasakay, bumababa at may destinasyon. Minsan sasakay tayong may plano ngunit kapag mayroong dumaang panganib o impluwensiya ang mga plano natin ay nagbabago. Yoon bang mga trapik, aksidente o di kaya naman ay nagkita kayo o nakakilala ka nang kaibigan habang nasa biyahe. Minsan makakakita ka ng nagkukurutan, nagsusuklay, nagababasa o kaya nagtetext. Hindi mo ba nawari o naitanong sa mga kasabay mo kung saan sila tutungo?



Paano nga pala tayong nasakay sa isang jeep? Ako, nais kong puntahan ang aking pangarap at batid kong ganun ka din dahil mayroon kang iniibig. Ngunit bakit ka sumakay sa jeep gayong alam mo na ang mga mangyayari? Alam mo ng magkakaroon ng aksidente, ( Ito ang panghuhusga ng tao sa ating pag-iibigan, ang mga taong di-sang ayon at magagalit. ) trahedya, suliranin o di kaya ay trapik ( o ang pagkakagulo ng mga desisyon at plano mo ), ngunit sumuong ka pa rin para sa akin, bakit? Dahil ba mahal mo talaga ako o para matulungan dahil sa kaawaan katulad ng nakasakay nating bata kung iyo pang naaalala. Hindi ba't kinutya-kutya mo siya at nilait? Hindi mo ba naramdaman at nakita ang kahinaan niya bilang isang bata sa kanyang mga musmos na mata? O dili kaya'y naramdaman ang paghihirap bilang mag-isa?



Hindi ka naman sanay bumiyaheng mag-isa noon hindi ba? Kaya lang tayo nagkasabay eh dahil sa mga naging kaibigan mo? Matanong nga kita, sa mga pagkakataong magkasama ba tayo ay nagkaroon ka ng lakas at tapang na bumiyaheng mag-isa sa jeep? Siguro, hindi, dahil sa mga panunutyang alam mong ibabato sa iyo ng iba kapag ikaw ay mag-isa.



Hindi ko naman nais pang pahabain pa kung bakit tayo ay parang isang jeepney..... Sana bago pa matapos ang pag-ikot ng gulong at ang pag-preno ng tsuper at kung saka-sakali mang ang unang bumaba ay ako, huwag kang matakot.... dahil iniwan kita kasi alam kong may kasama ka nang iba na sasama sayong paglalakbay at kung saka-sakali mang bumaba na rin siya, huwag kang mangamba dahil ang destinasyon mo ay isang kanto na lamang. Iniwan man kita, sa pisikal lang yun! Pero sa emosyonal kahit kailan ay hindi sapagkat kasama ka na sa aking buhay.

1 comment:

~~SLIM-4~~ said...

wah.. wat can i say, diba it's true aman? hehe.. use yourself as an example in this creative writing and you will gonna find out that it's true...